SI EDGARDO M. REYES, SI FRANCISCO BALAGTAS, SI TATA RAUL FULINAS AT ANG WIKANG FILIPINO ni Joel Costa Malabanan Pinadalhan ako ng makatang si TATA RAUL FULINAS ng kanyang textula noong Abril 7, 2009 na ganito ang nakasaad: Prenteng pagkaupo'y biglang ginulantang/ isang mang-aawit binating magalang/ "Nanalo ka igan sa iyong nilahukan?/ Dagli kong tinugon, higit na pang-uyam:/ "E hindi ba't judge ka? At siya'y nagulat/ Hilatsa ng mukha'y waring askad-hudas-/ O ang kawangkii'y kalderong nabasag! Alam ko kung ano at sino ang pinatutungkulan niya dahil naroon din ako sa Araw ni Balagtas. Naimbitahan ako ni Dr. Aurora Batnag, dating guro ko sa MALL FIL sa DLSU na dumalo sa pagdiriwang ng ika-221 kaarawan ni Francisco Balagtas na inisponsor ng Komisyon sa Wikang Filipino sa PICC noong Ika-2 ng Abril, 2009. Nag-undertime ako at umalis sa paaralan ng alas tres upang makahabol sa programang gaganapin nang alasingko nang hapon. Maulan sa Bacoor nang umalis ako ngunit mainit sa Vito Cruz nang ako ay magsimulang maglakad sa may CCP Complex bitbit ang isang mahabang pulang payong na nakasarado. Sa programa, nalaman kong bibigyan rin pala ng parangal ang mga manunulat na sina Edgardo M. Reyes at si Edgardo B.Maranan. Pararagalan din ang mga nagwagi sa Talaang Ginto. Nang iteks ko si Dr. Batnag para sabihing naroon na ako ay saka ko naman nalamang hindi siya makakarating. Mabuti na lamang at namataan ko ang makatang si Tata Raul Fulinas, sa wakas ay nagkaroon na ako ng makakahunta. Ritwal ang pagtatalumpati magmula sa bagong komisyuoner ng KWF na si Jose Laderas Santos na nagpasalamat sa mga dumalo at sa dagdag na limang milyong pondo mula gobyerno. Nang magsalita na ang pangunahang panauhin na si Cecille Guidote Alvarez ay pahapyaw niyang tinalakay ang kahalagahan ng Florante at Laura sa panahon ng Batas Militar. Binigkas niya ang mga sumusunod na linya mula sa akda:
Sa loob at labas ng bayan kong sawi Kaliluha’y siyang nangyayaring hari Kagalinga’t bait ay nalulugami Ininis sa hukay ng dusa’t pighati!
Ang magandang asal ay ipinupukol Sa laot ng dagat ng kutya’t linggatong Balang magagaling ay ibinabaon At inililibing na walang kabaong
Ngunit, ay ang lilong masasamang loob Sa trono ng puri ay iniluluklok At sa baling sukab na may asal-hayop Mabangong insenso ang isinusuob
Kaliluha’t sam ang ulo’y nagtayo At ang kabaita’y kimi’t nakayuko Santong katwira’y lugami at hapo Ang luha na lamang ang pinatutulo
At ang balang bibig na binubukalan Ng sabing magaling at katotohanan Agad binibiyak at sinisikangan Ng kalis ng lalong dustang kamatayan
Ang mga nabanggit na saknong mula sa diwa ni Balagtas ay talagang palaging naaangkop, mapa-panahon man ni Marcos o ng kasalukuyang gobyerno. Medyo nalihis lamang ng paksa si Gng. Alvarez nang magsimula na siyang magsalita tungkol sa global warming at patuloy na pagkasira ng kalikasan. Kung sabagay, magkaugnay din naman ang pagkawasak ng kalikasan at paglalaho ng mga katutubong wika at kultura. Kapwa may kaugnayan ang globalisasyon sa patuloy na pagkawasak ng kalikasan at paglaganap ng kahirapan sa daigdig.
Una kong nakadaupang ang manunulat na si Edgardo Maranan. Tapos nga, nang dumating si Tata Raul Fulinas ay tumabi ako sa kanya upang may makakuwentuhan. Nag dumating si Mike Coroza ng Ateneo ay biniro niya si Tata. “Nanalo ka ba?” ang sabi ni Mike. “Di ba ikaw ang judge?”, ang sabi naman ni Tata. Hindi ako binati ni Mike Coroza dahil marahil nakalimutan na niyang minsan kaming nagkalaban ng Balagtasan sa kaarawan ni Heber Bartolome sa Conspiracy bar noong Nobyembre 2007. Nalimutan rin siguro niyang magkasama kami sa indie film na “Barako” ni Manolito Sulit. Sabagay, mahirap makipagpatintero sa mga higante ng panitikan. Nagkita rin kami at nagkausap ni Pat Villafuerte at ni Roger Manghas. Lumapit sa table naming si Erwin Lareza o Wazi na una kong nakilala sa bahay ni Ronlad Verzo ng Cavite Young Writers Association (CYWA). Pinalad na magwagi ng consolation prize si Wazi sa patimpalak ng Talaang Ginto. Di ko na binanggit na sumali din ako pero hindi pinalad. Sabi ni Tata Raul, kapagnakadalo ako sa mga seminar ng LIRA ay dudulas ang panulaan ko at baka sakaling manali. Nagwagi ri ang isa pang kasapi ng LIRA na si Grace Bengco. Ang iba pang nagwawagi ay sina Louie Jon Sanchez bilang Makata ng taong 2009, Tomas F. Agulto, Erick Aguilar at Christian Tablazon. Mahusay ang talumpati ni Louie Jon Sanchez pero hindi mahusay ang kanyang pagbabasa.
Nilapitan ko si Edrgardo M. Reyes at pinapirmahan ang dala kong aklat akda niyang “Sa Mga Kuko ng Liwanag”. Palagay ko’y ako lamang sa mahgit dalawandaang taong naroroon ang may dala ng aklat ni EMR kaya agad niyang binuklat ito at ipinakita ang nakasulat sa p.147 kung saan nakasaad na natapos niya ang nobela noong Setyembre 20, 1966 sa Kalye Balagtas. Binigyan ko naman si EMR ng cd ng aking labimpitong mga kanta. Matagal ko na siyang textmate pero noon ko lamang siya nakita nang personal. Sa edad na 73 taong gulang ay malakas pa rin siya at simpleng-simple ang damit.
Hindi naluluma ang tinig ni Cocoy Laurel sa kanyang pag-awit ng kundimang “Lambingan” at mahusay din ang imbitadong mang-aawit na si Liesl Batucan. Pero sabi k okay Tata, mas mainam kung ang pinaawit nila ay si Jess Santiago, Heber Bartolome o kahit si Joey Ayala. Maganda at makabuluhan din ang pagtatanhal ng grupong kung tawagin ay Mga Anak ni Inang Kalikasan.
Kasama ko rin sa lamesa ang mga kaanak ni Hukom Cesar Paralejo Sr. na kinilala at pinarangalan dahil sa naiambag niya sa Wikang Filipino dahil sa pagsasalin niya ng mga batas sa katutubo nating wika. Maya’tmaya ay may kritisimo ang mga kaanak ni Hukom Peralejo tuwing nagkakamli ang tagapagsalita o kaya naman ay pag sa tingin nila ay malayo na sa paksa ang mga sinasabi ng mga nagtatalumpati.
Nagpasalamat si Edgardo Maranan nang tanggapin niya ang kanyang Gawad Francisco Balagtas na kinabibilangan ng sertipiko at tropeyo na likha ni Gullermo Tolentino. Pero nagulat ang lahat nang sa maemosyong tinig ay ipahayag ni komisyoner Jose Laderas Santos na ayaw tanggapin ni Edgardo M. Reyes ang kanyang tropeyo at ang parangal sa kanya.
Agad namang nagpaliwanag si Edgardo M. Reyes na hndi talaga siya tumatanggap ng award kahit noon pang araw. Ikinuwento niyang taong 1991 pa nang banggitin sa kanya ni Virgilio Almario na pagkakalooban siya ng Gawad Francisco Balagtas ngunit hindi niya ito tinanggap. “Kung malaya ang KWF na magbigay ng award ay malaya rin naman akong tumanggi.”, ang sabi ni EMR. Ikinuwento niya na may tinanggihan din siyang award na ipagkakaloob sa kanya sa bansang Thailand at pati ang hindi niya pagsipot nang mabigyan rin siya ng award sa pelikula ni Lino Brocka sa akda niyang “Sa Mga Kuko ng Liwanag.” Ibinilin daw niya sa kanyang pamilya na kung sakali at patay na siya ay huwag tatanggapin ang anumang award na ibibigay sa kanya.
Lasing daw yata si EMR sabi ng kasama namin sa lamesa na kaanak ni Hukom Paralejo. Pera daw yata ang nais niyang ibigay sa kanya sabi naman ni Tata lalo pa nang ang talakayin naman ni EMR ay ang bahay niyang hindi pa kumpleto. “Ang mga binibigyan ng award ay ang mga taong kumpleto na. Ako naman ay hindi pa kumpleto.”, ang dagdag pa ni EMR. Binaggit din niya na higit na pinahalagahan siya ng mga taga-Japan kaysa sa Pilipinas. Prangkahan niyang sinabi na mas propesyunal ang mga Hapon dahil kapag ininterview siya ng mga ito ay iaabutan siya ng two hundred dollars pagkatapos.
Pahapyaw lamang ang pagtalakay ni EMR kay Balagtas ngunit binigyan diin niya ang kahalagahan ng wikang Tagalog bilang wikang panlahat. Binatikos niya ang mga taga-akademiya na pilit daw binabago ang wika para sa kanilang sariling convenience. Niloloko raw lamang ng mga Tagalog ang mga Cebuano nang gawing “Wikang Filipino” ang tawag sa wikang pambansa na sa totoo ay wikang Tagalog pa rin. Kung nagrereklamo raw ang mga Cebuano dahil mas marami ang nagsasalita ng Cebuano kaysa sa nagsasalit ng Tagalog ay hindi pa rin makatwiran dahil hindi raw naman dinadaan ang pagpili ng pambansang wika sa dami ng gumagamit. Bilang hamon sinabi ni EMR na sa bawat sampung Pilipino na masasalubong mo sa daan ay dalawa lamang ang posibleng marunong magsalita ng Cebuano pero sa bawat sampung Cebuano o Ilokano ay walo ang marunong o nakakaintindi ng Tagalog.
Mukhang may mga sasabihin pa sana si Edgardo M. Reyes ngunit inabutan na siya ng papel na nagsasabing kailangan na niyang putulin ang pagsasalita dahil sa kakulangan sa oras. Hati naman ang opinyon ng mga tao sa kanyang mga sinabi lalo pa sa pagtanggi niyang tanggapin ang award. Sa text message ni Roger Mangahas ay ganito ang sabi niya: “Hati ang audience, merong halos maihi sa tuwa, ang iba ay sa inis at nerbiyos sa banat ni Edgar. Nanibago sila na may tao/writer palang tulad niya.”
Para sa akin, isang pagbubukas lamang ng isipan ang mga pahayag ni EMR tungkol sa kalagayan ng mga manunulat na gaya niya at sa papel ng KWF at NCCA bilang mga tagapagtaguyod ng wika at kulturang Pilipino. Praktikal lamang si EMR. Sa edad na 73 taong gulang, kung talagang naniniwala ang KWF at NCCA sa naiambag ni Edgardo M. Reyes sa pag-unlad ng wika at panitikang Pilipino, kailangan nilang tugunan ang pang-ekonomiyang kalagayan hindi lamang ni EMR kundi ng marami pang manunulat sa Pilipinas. Walang silbi ang parangal kung gutom naman ang sikmura ng pinararangalan.
Ika-20 ng Pebrero 1862 sa edad na 74 taong gulang nang pumanaw si Francisco Balagtas na isang mahirap na tao sa kabila ng matagal niyang pagsusulat. Si Edgardo M. Reyes ay 73 taong gulang na.
 | "...huwag na huwag na payagan ang aking mga anak na maging isang makata"
...Francisco (Balagtas) Baltazar (1788-1862), kaniyang sinabi ito bago siya malagutan ng hininga. Subalit ang dalawang anak niyang si Ceferini at Victor ay naging makata rin na tulad ng kanilang ama si Balagtas! |
 | (Lumabas ito sa pahayagang BALITA noong Abril 22, 2009.)
Gawad Francisco Balagtas, tinanggihan ni Edgardo M. Reyes
PRANGKAHAN Dindo M. Balares
"Tomorrow, 5 p.m., Balagtas Day sa PICC. Speaker daw ako. Also not to receive an award but to refuse it. Attend ka kung may time ka."
ABRIL a-uno, Miyerkules, natanggap ko ang text message na ito mula sa itinuturing kong pinakamahusay na Pilipinong manunulat sa kasalukuyan -- si Edgardo M. Reyes o simpleng Edgar para sa mga taong mas nakakakilala sa kanya.
Alam na alam niya kung paano ako mapapupunta sa isang okasyon. Alam na alam niya ang mga pangyayari na gusto kong masaksihan at hindi mapalalagpas, ang uri ng mga istorya na gusto kong sulatin!
Dumalo ako sa Araw ni Balagtas, sa PICC, nauna roon ng halos sampung minuto lamang kay Edgardo M. Reyes -- kaya kitang-kita ko maging ang pagtanggi niya para sabitan ng garland na isinasalubong at isinusuot ng staff ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga tatanggap ng parangal nang bumungad siya sa venue.
Agad niyang hinanap si KWF Komisyoner Joe Lad Santos.
"Baka pilitin akong paakyatin sa stage para tanggapin ang award, magkakahiyaan, mahirap na," sabi niya.
Kaya nais niyang linawin kay Joe Lad na ang pagpunta niya roon ay para sa imbitasyon na maging guest speaker, hindi para tanggapin ang Gawad Francisco Balagtas.
Nagkausap at nagkalinawan sila ni Joe Lad. Kaya nang toka na para sa paggawad ng parangal para sa kanya ay ang komisyoner ang umakyat sa stage, at sa malakas na tinig -- na aakalain mong galit -- ay nagsalita sa mikropono, hawak sa nakataas na kamay ang tropeo na nililok ni Napoleon Abueva:
"Sa ngalan po ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang karangalang ito ay para kay Edgardo Reyes -- nagdesisyon po siya na hindi niya ito tatanggapin. Pero ito po ay desisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino, desisyon ng aming komite, at naniniwala kami na si Edgardo M. Reyes ay isang magaling na manunulat. At ang amin pong paninindigan ng pagkakaloob ng award sa kanya ay hindi namin babaguhin. Ito po ay para sa kanya, iingatan ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ito po ay para kay Edgardo M. Reyes, isa sa pinakamagaling na manunulat sa wikang Filipino. Pinaparangalan po namin siya sa harap ng magigiting na mga taong naririto."
Inisa-isa ni Joe Lad ang pangalan ng mga taong tinutukoy niya, na pawang may PhD sa dulo ng kanilang pangalan.
Sa dulong bahagi ng programa nagsalita si Edgardo M. Reyes. Nilinaw niya na hindi niya iniisnab ang award. Walang deperensiya ang award. Siya ang may problema.
"Literatura? Wala naman akong naiintindihan d'yan," sabi niya. "Ako nama'y pinabili lang ng suka. Kaya lang naman ako napasok sa pagsusulat, e, dahil ito ang mas magaan-gaang trabaho na nakita ko mula sa pagiging tubero. Kaya kung tatanggap man ako ng ganyan kalaking award, dapat, e, alam kong kumpleto na ako. Hindi pa ako kumpleto. Hanggang ngayon, e, tuluy-tuloy pa rin ako sa pag-aaral, sa pag-iisip ng mga bago, kung paano ko mas mapagbubuti ang mga sinusulat ko."
Ikinuwento niya na 1991 pa ay tinanggihan na niya ang Gawad Francisco Balagtas. Nagbilin din siya sa kanyang mga anak na hindi sila tatanggap ng anumang parangal kahit pumanaw na siya. Ang tanong ng mga kabarkada niya, paano kung National Artist?
"Teka, sandali," patuloy ni Edgar. "National Artist? Mas malaki 'yon! Mas masarap tanggihan 'yon!"
Kailan na kayo naluha sa pakikinig lamang sa isang taong nagsasalita sa stage? Ako, nang gabing iyon. At sa bahaging ito ng pagsasalita ni Edgar.
"Kung mapupunta kayo sa bahay ko, makikita n'yo, hindi tapos. Writer na writer talaga ang dating. Ang writer kasi, lalo na dito sa 'tin... sa Pilipinas, hindi naman masyadong umaangat ang buhay. Tulad ko, mas pinapahalagahan pa ako sa Japan kaysa rito. (Editor's note: Bestseller doon ang translation ng kanyang Sa Mga Kuko ng Liwanag.) May mga Japanese journalist na pumupunta sa bahay para lang interbyuhin ako. Pero 'pag pinagmamasdan ko ang bahay ko, naiisip ko, 'Ang suwerte naman ng bahay na 'to, laging may room for improvement."
Palakpakan ang mga tao sa malinaw na parallelism niya.
Ang kakatwa, gayong siya iyong tumanggi sa parangal, sa rami ng iba pang writers na tumanggap ng awards nang gabing iyon, tanging siya lamang ang dinumog ng mga tao para magpapirma at magpakuha ng retrato pagkatapos ng awarding rites.
Maraming ulit kong narinig sa programa ang pagtawag kay Edgar bilang isa sa mga haligi ng panitikang Pilipino. Manunulat ng mga manunulat. Totoo ba ito?
Sa mga mambabasa ng BALITA, si Edgardo M. Reyes ay si Edgar Reyes na tuwing Martes ay sumusulat ng kolum na Kangkungan sa editorial-opinion pages. Kamakailan ay napilit ko siyang magsulat sa section na ito (nakabakasyon sa kasalukuyan dahil may sinusulat na [mga] libro). Sa academe o mga nag-aaral ng literatura, siya ang isa sa limang kabataang manunulat na naglabas ng Mga Agos sa Disyerto (1964) -- ang apat pa ay sina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Eduardo Reyes, at Rogelio Sicat. Ang koleksiyon ng kanilang 25 maiikling kuwento ay kinikilala ng literary critics bilang isa sa pinakamahuhusay na aklat na humubog sa bagong panulatang Pilipino.
Si Edgardo M. Reyes ang sumulat ng Sa Mga Kuko ng Liwanag na itinuturing na "canon" o standard ng modernong nobelang Pilipino, isa sa pangunahing required reading sa mga kolehiyo't unibersidad, isinalin sa iba't ibang wika ng iba't ibang bansa, at ginawang pelikula ni Lino Brocka (Maynila, Sa Mga Kuko ng Liwanag).
Bukod sa pagiging direktor ng pelikula, isa sa napakaraming script niya ang nagbigay kay Sharon Cuneta ng kauna-unahan nitong blockbuster hit (P.S. I Love You).
Kinamulatan ko ang pagbabasa sa mga akda ni Edgardo M. Reyes, sa Liwayway noong una at kinalaunan ay sa mga aklat. Sa aming unang pagkikita sa eleksiyon ng National Press Club noong 1989 (kaga-graduate ko sa Ateneo at kapapasok lang bilang proofreader/staff writer ng Liwayway), nakatabi ko siya sa inuman ng beer (blowout ni Tata Celo Lagmay, nanalong presidente ng NPC), at 'di ko alam kung saan nanggaling ang lakas ng loob ko nang sabihin ko sa kanya na "kasalanan" niya ang pagkakapasok ko sa literatura.
Kamakailan, nagtaka rin ako sa lakas ng loob ko na ipa-edit sa kanya ang katatapos kong nobela.
Pagkaraan ng dalawampung taon, maraming maghapon-magdamagang kuwentuhan/talakayan, lalo pa akong humanga sa kay Edgardo M. Reyes. Sa mga kuwentuhang ito, napupulot ko na may mas malalim pa siyang dahilan sa pagiging alerdyik niya sa literary awards. Pero hindi pa ako nakahanda para sulatin ang mga ito. Masyadong maselan.
Sa kabila ng likas na pagiging kuwidaw na journalist, si Edgardo M. Reyes ang isa sa iilang personalidad na patuloy kong hinahangaan kahit nagkaroon ako ng pagkakataong makilala. Ang akala ko'y ako lang ang may ganitong paghanga sa kanya. Hanggang sa mabuklat ko sa dulo ng bagong edisyon ng kanyang librong Sa Aking Panahon 13 Piling Katha (At Isa Pa!) kamakailan ang speech na ito ni Tony Velasquez (ang henyong lumikha kay Kenkoy), na ayon sa nakalagay na note ay binigkas nito nang unang ilunsad ang libro sa UP noong Agosto, 1991.
"I have known Edgardo M. Reyes for more than 30 years. I have known him so long that I think I know him inside out -- inside a woman's bedroom, that is, or out in the cold.
"Una kong nakilala si Edgar nang nagsisimula pa lamang maging malikot ang kanyang imahinasyon tungkol sa papaksain niya sa pagsulat. With the passing of the years he has mastered the art and has become a prolific, versatile and respected writer. At ngayon, hindi lang ang imahinasyon niya ang malikot. Palagay ko ang middle initial niyang "M" stands for malikot.
"I like Edgar very much as a person. Para sa kanya, ang tao ay dapat maging tunay na tao. Hindi tau-tauhan. Nirerespeto niya ang pagkatao ng isang gago. Pero ang ayaw na ayaw niya ay ang gago na nagdudunung-dunungan. Maraming ganyang tao sa ating lipunan, lalo na sa Kongreso. He hates hypocrites.
"Kay Edgar, walang kuwenta ang pera. In truth he has made lots of money but he has nothing to show for it. Walang kuwenta sa kanya ang pera, pero nagpapakahirap sa paghanap nito. He earns a lot, but ask for an accounting and he won't be able to give you any.
"Si Edgar ay isang tao na napakataas ng prinsipyo. May alam akong mga pangyayaring ginutom siya ng kanyang prinsipyo, pero nagmatigas pa rin. Hanga akong talaga sa lokong ito.
"Hindi siya nakalilimot sa mga pinagkakautangan niya ng loob. Sa wari ko'y itinuturing yata niyang may utang na loob siya sa akin. Hindi ko inaamin ito. Hindi ko tinatanggap na mayroon nga. Manaka-naka, nadadalaw siya sa amin bilang pagkilala yata ng utang na loob. Mabuti't manaka-naka lang. Dahil sa tuwing dadalaw siya, tumbado lahat ang aking stock na serbesa, pero siya nakatayo pa rin.
"Pambihira ang katapatan ni Edgar. Katunayan, lagi siyang nakatapat -- sa mga chicks. Edgar is a very witty person. Pero malalim ang kanyang witticisms. Kaya kung medyo slow o mababaw ang mentalidad ng nakikinig sa kanya, naaatraso ang tawa.
"Edgardo M. Reyes. Writer par excellence. A hot shot and a genius in the play of words. He has reached the top but I'm not sure he knows it. Anyway, I hope he stays there."
|
| |