Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH

JOEL MALABANAN

ANG KATIYAKAN AY KAWALAN!

GUNITAIN NATIN ANG IKA-100 TAON NG KABAYANIHAN NI MACARIO SAKAY NGAYONG SETYEMBRE 13, 2007

 Hindi ka ba nagtataka na mula nang mag-aral tayo ng kasaysayan ng PILIPINAS sa elementarya hanggang hayskul ay halos KILALA natin ang mga bayaning lumaban sa mga Kastila gaya nina Lapu-Lapu, Diego Silang, Hermano Pule at Franciasco Dagohoy, hanggang kay Andres Bonifacio NGUNIT pag ang pinag-usapan na ay ang mga bayaning lumaban sa mga Amerikano ay nangangapa tayo? Sino ang nakakakilala kina Felipe Salvador, Dionisio Magbuelas, Faustino Ablen, Luciano San Miguel at marami pang iba? Baka mga history teachers lang. Pinakanababanggit pa ay si MACARIO SAKAY pero konti lang ang alam natin sa kanya. Ipinanganak siya noong 1870 sa Tondo, Maynila. Dahil mahirap ang pamilya niya ay di siya nakapag-aral kung kaya ang naging trabaho niya ay pagiging mananahi, barbero at paglabas sa mga Moro-moro. Taong 1894 nang maging kasapi siya ng Katipunan ni Andres Bonifacio. Isa siya sa unang 300 kasapi ng KKK. Nang mapatay ng mga tauhan ni Aguinaldo si Andres Bonifacio, npilitan siyang maging kabahagi ng pwersa ni Aguinaldo. Ipinagpatuloy niya ang pakikipaglaban sa mga Kastila hanggang sa panahon ng pananakop ng mga Ameriakano. Di nagtagal at kasama na rin siya sa mga lumalaban sa mga Amerikano hanggang sa siya ay mahuli noong 1902. Napilitan siyang manumpa ng katapatan sa watawat ng Amerikano para makalaya. Pero pagkatapos niyang lumaya, agad niyang ipinagpatuloy ang pakikipaglaban sa mga Amerikano noong 1902 hanggang 1907 sa pamamagitan ng kanyang REPUBLIKANG TAGALOG. Sa panahon ng kanyang pakikipaglaban ay itinuring siyang tulisan ng kolonyal na pamahalaang Kano. Humina ang pwersa niya noong mga bandang 1906 hanggang sa nahikayat siyang sumuko ni Dominador Gomez na isang union leader sa pangakong hindi siya kakasuhan at ipagkakaloob ng mga Amerikano ang kanilang mga kahilingan para sa bayan at kikilalanin sila bilang mga rebolusyunaryo sa halip na tulisan. Pero sinampahan siya ng iba't-ibang kaso at binitay noong Setyembre 13, 1907.

Ngayong taong ito ay 100 taon na ng kanyang kabayanihan pero may nakakaalala kaya? Bilang pag-aalala sa kanya ay iginawa ko siya ng isang awit.

AWIT KAY MACARIO SAKAY
Musika at Titik ni Joel Costa Malabanan (Set.13, 2005)

O Macario Sakay, limot na bayani
Ng dukha't aliping kayumangging lahi
Ang awit kong ito'y dalit at papuri
Sa iyo at sa ibang may dakilang mithi

Ikaw ay tinawag na isang tulisan
Gayong ang hangad mo'y paglaya ng bayan
Tulad ng Supremong Andres Bonifacio
Hamak at mababa ang tingin sa iyo

Bayaning lumaban sa Kastila't Kano
Sagisag ng tapang nitong Pilipino
Subalit sa ngayo'y hindi ka kilala
Kadakilaan mo ay nalimutan na.

Tapat kang pangulo ng katagalugan
Sa imperyalista'y tumutol, lumaban
Di katulad ngayon ng aming pangulo
Manlilinlang na nga'y tuta pa ng Kano

Mga Amerikano'y dinidiyos natin
Bawat Pilipino'y greencard ang dalangin
Sa kasalukuyan tayoy mga hangal
Kolonyal na isip ang siyang sumasakal

Si William Howard Taft ay may Taft Avenue
May Murphy, may Lawton, parangal sa Kano
Isang kaululan, isang balintunay
Nasaan ang kalyeng parangal kay Sakay?

Buwan ng Setyembre nang ika'y patayin
Ng gobyernong Kano na mapang-alipin
Siyamnaput siyam na taon na ang nakaraan
Waring nawaglit na sa aming isipan

Huwag kalimutan ang laban ni Sakay
Sa bansa ihandog ang talinong taglay
Kung kinakailangang magbuwis ng buhay
Sa ngalan ng baya'y marangal na alay

O Macario sakay, kami'y natuto na
Kabayanihan mo'y aming halimbawa
Itutuloy namin ang iyong digmaan
Upang palayain itong ating bayan!

Dalawa ang bersyon ng awit sa site na ito. Ang isa ay akustik at ang isa ay ang bagong bersyon kasama ang RABBI. Bahala ka nang mamili kung alin ang mainam pakinggan.

 


otsopya wrote on Sep 22, '07
hello... paalam po, pwedeng iLink ko sa blog ko ang entry na ito =)

fan lang ni sakay hehehe...

p
kastan101 wrote on Sep 23, '07
kuya pwede ko bang lagay 2 sa friendster ko para naman malaman ng mga iba.
iltabenla wrote on Sep 24, '07
Okey lang na ikalat para mas marami ang makabatid. Pati yung kanta ay ikalat mo na rin!
Add a Comment